Kababaihan…May iba’t-ibang uri ng niyan;

may mahinhin, mahiyain, walang kibo, madaldal, matapang, malakas ang loob, at marami pang iba.

Ngunit kahit alin man siya riyan, alin man sila riyan, alin man ako riyan, babae kami, hindi babae lang.

Alam kong magaganda sila, ngunit sana sa pagdaan ng iyong mga mata, magkaroon ka pa ng mas malalim pang pag-husga, dahil hindi mo malalaman kung ano ba talaga ang kuwento nila.

Ang mga salita na sasambitlahin ko ay para sa mga kababaihan na nagtatago. Nagtatago sa madilim na tagong-tagong parte ng kanilang mga kuwento.

Nagtatago ka rin ba? Sa maskara na mayroon ka? Natatakot ka bang may malaman ang mga tao at makita? Ano bang iyong ikinukubli? Ano bang itinatago mo na ayaw mong makita ng mundo sa’yo?

Tayo!

Punasan ang mga luha, itaas ang noo, dahil babae tayo.

Hindi kailangang kimkimin mo lang ang mga tinik na sa’yo ay tumutusok nang pilit.

Harapin ang mapapait at kapayapaan sa sarili’y huwag ipagkait.

Huwag lang bastang humarap sa pinagdaraanan bagkus ay sa pagharap sa mga ito’y maigtigng na labanan.

Magpapakawais, magpapakatatag, magpapakalakas sa buhay na ito; bumabagsak, nasasalampak, lumalagapak, ngunit hinding-hindi magpapatinag.

Manlalaban, lalaban, at gagawin ang lahat upang sa bawat pag-ahon ay mas maging matatag. Ganiyan sila, yan ang kababaihan.

At para sa lahat…

Gamitin ang karanasan upang sa bawat pag-tindig at pagpapatuloy sa mundo, ikaw ay mas maging mapanindig pang lalo.

-Love Angel Pelayo

Categories: Latest News

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *